Para kay Star sa Kanyang Di-Inaasahang Pagpanaw
Hindi ko gaanong nasubaybayan ang iyong paglaki. Kasalanan ko rin dahil palagi akong wala, bihira na lamang umuwi. Kaya nga sa mga panahon na umuuwi ako palagi akong nagdadalawang isip sa paglapit sayo dahil baka hindi mo na ako kilala o baka galit ka sa akin. Nakakalungkot isipin na mas napalapit ka pa sa aking ina. Ang nanay ko ang nagpapakain sayo, nagaalaga, pinapagamot kapag nagkakasakit ka at nagging tagadisiplina mo. Samantalang ako, nagaaral sa malayo, ni hindi ko na nalaman kung ano ang mga bagay na paborito mong ginagawa, hindi ko na nalaman kung ano ang mga paborito mong pagkain. At kapag nakikita kita, nagugulat na lamang ako dahil lalo kang lumalaki at lumulusog. Gusto man kitang lapitan at yakapin, himasin gaya ng dati, hindi ko magawa dahil ilang ka sa akin.
Tandang tanda ko pa ang araw na ipanganak ka, paano ko ba naman makakalimutan ang araw na iyon dahil sumabay ang paglabas mo sa mga paputok sa pagdiriwang ng karamihan ng bagong taon. Sa inyong tatlong magkakapatid, alam ko ng ikaw ang pinakamalakas. Alam ko na lalaban ka dahil gusto mong mabuhay. Napakalungkot ng namatay ang dalawa mong kapatid kaya hinagkan kita malapit sa puso ko at nagpasalamat ako sa Diyos na nasa akin ka pa. Sa mga unang araw mo sa mundo ay ako ang nagbibigay ng gatas mo. Sa hapon, tuwang tuwa ako sa panunuod sayo habang himbing na himbing ka sa pagtulog. Sa gabi, habang sinusubukan mong maglakad ay nakaabang ako at tinutulungan ka sa iyong pagtayo. Ipinagmalaki kita dahil kahit ilang beses kang nahulog ay tuloy ka parin sa pagtatangkang maglakad. Pero bago mo matutuhan na tumakbo ay kinailangan ko ng umalis. Niyakap kita ng mahigpit at sa aking pagtalikod ay narinig ko ang isang hikbi mula sa yo.
Hindi na kita nasubaybayan mula noong umalis ako. At ngayon napakalaki ng pagsisi ko dahil inakala ko na sa aking paguwi ay makakasama na kita at maaari na akong bumawi sa’yo. Malaking pagsisi dahil hindi na mangyayari yun kailanman. Isang gabi, unakyat ang aking ina sa kwarto ko at malungkot na sinabing wala ka na. Hindi ko alam kung anong sasabihin o gagawin ko sa mga oras na yon. Nakita ko na lamang na nakahiga ka na. Hindi ko kinaya na tingnan ka pa kaya umalis na lamang ako. Naisip ko na lang na hindi tama na wala ka na. Napakabata mo pa, halos dalawang taon ka pa lang. Mas marami ka pa sanang mapapaligaya at nakasama pa sana kita ng mas matagal. Nakbawi pa sana ako sayo.
Bukas ay ililibing ka na. Hindi ko na ito sasaksihan dahil hindi ko mapipigilang umiyak. Maraming mga bagay ang hindi na mangyayari ngayong wala ka na. Wala ng tatahol upang batiin ako tuwing dadating ako sa bahay. Wala ng maglalambing na himasin ko tuwing dadaan ako sa harapan niya. Wala ng magbabantay sa nanay ko kapag wala siyang kasama sa gabi. Maraming marami pang mga bagay na hahanap – hanapin ko. Sana na lang Star ay masaya ka. Kung nasan ka man, sana ay maraming laruan diyan. Sana ay nakakatakbo ka ng malayo dahil alam kung gusting gusto mo ang pagtakbo. At sana rin ay may tao diyan na hihimas sayo pag naglalambing ka at pakakainin ka pag nagugutom ka. Habambuhay ka sa aking alaala.
No comments:
Post a Comment